Namiss Kita, Sobra!

Kay tagal din ng ating samahan.
Ni hindi tayo nagkasawaan.
Nang mga panahong iyon ay nagsumpaan:
“Habang buhay na to, peksman!”

Kahit saan ako magpunta, kasama kita.
Kahit kelan ko gustuhin, andiyan ka.
Umulan, umaraw, wala kang palya.
Bumagyo, bumaha, dumarating ka.

Kahit gaano kalayo, hinahatid mo ko.
Kahit puyat ka kagabi, inaalagaan mo pa rin ako.
Palagi akong may puwesto sayo. 
Palagi mong sinasabi, “dito.”

Kahit sino pang dumating, talo.
Walang pumapantay sa alaga mo. 
Ikaw lang kasi ang gusto ko, 
At ako lang din ang gusto mo.

Pero nalito ko. 
Marami kasing mas guwapo sayo.
Mas mabait. Mas makisig. 
Di hamak na mas maganda ang tindig.

Iniwan kita sa ere, inaamin ko.
Hindi ako naging patas sayo.
Mas masarap kasi sila kasama.
Kahit na mas mabigat sa pandama.

Collage 2014-03-16 14_21_30

At ngayon nakita ulit kita,
Naalala ko ang lahat nung tayo pa.
Hindi ko naisip, ako’y tatanggapin pa.
Hindi ko akalaing makakasama ulit kita.

Ang amoy mong nanunuot sa ilong 
Halo halo, masakit sa ulo
Ang tindig mong di mawari ang sulong
Minsan nakapustura, minsan parang trak ng basura.

Ang bilis mong daig pa ang karera sa Sta. Ana,
Ang lakas ng busina mong makabasag tainga,
Wala kang paki sa iba,
Makarating lang ng mabilis sa Nova.

Namiss kita.
Namiss kong bumalanse sa gitna habang nangangarera ka.
Feeling mo ata, laging may car racing sa EDSA. 
Hanga talaga ko sa galing mong magmaniobra.

Namiss kita.
Namiss ko makipagsiksikan sa maraming taong lulan mo,
Ang makipag-agawan ng sampa sa bukana ng pinto mo,
Ang pagkapit sa kahit saan huwag lang sumubsob sa pagpreno mo.

Namiss kita.
Namiss kong matulog sa matigas mong sandalan. 
Ang magkabukol sa ulo at masandalan ang sinuman. 
Hindi naman ata natuluan ng laway,
Pero madalas ay nakahilig na parang nasa bahay.

Namiss kita.
Namiss ko ang hindi mo paggising sakin pag oras ng bumaba,
Katwiran mo’y: “pagod ka, sige lang matulog ka pa.”
Ang kawalang paki mo kahit dinudukutan na ko ni kuya,
Wari mo’y: “ayokong madamay, ano ka?”

Namiss kita.
Namiss ko ang di alintanang traffic kasama ka. 
Ang paghithit sa usok ng tambutso mo at ng iba.
Bukas kasi ang bintana.
Aircontinious kung baga.

Namiss kita.
Namiss kong pagpawisan ng matindi:
Sa mukha, sa batok, sa kili kili. 
Dahil ba sa lakas ng dating mo
O sa init dulot ng paligid mo?

Namiss kita.
Namiss kong makalimot ng sukli sa limandaang piso.
Ang makalimot magbayad mula Cubao hanggang Seminaryo.
At ang mawalan ng ticket na ipapakita sa inspektor mo.

Namiss kita.
Kahit sinasabi nila delikado ka.
Feeling hari ng kalsada.
At maraming sangganong dala.

Anong paki nila? 
Hindi naman nila alam ang hirap na pinagdaanan nating magkasama. 
Nung mga panahong butas pa ang aking bulsa.
Nung mga panahong wala pa kong kilala.

Asahan mo. 
Lagi parin kitang sasakyan pag minsan.
Ang gulo ‘no? 
Lagi.. Pag minsan.

Intindihin mo nalang. 
Magaling ka naman diyan.
Ang totoo kasi niyan,
Namiss talaga kita, Pascual.

 

pascual
Pascual Liner (credit to the owner)
Advertisements

3 thoughts on “Namiss Kita, Sobra!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s