Sa Loob Ng Baul

IMG_20140115_225116[1]
Warning: There’s one hell of a mess inside.
Hinalungkat ko ang baul ng nakaraan natin.

Umaasang may nakatago pa sa madilim at nakaririmarim na sulok nito.

Baka may natitira pang poot at sakit na dala ng paulit-ulit mong pananakit sa pusong hindi na ba natuto? Pagkat ilang beses mo nang niloko. Pero ayun pa rin at niyakap ka nang buong-buo. Walang kaabog-abog na pinaglaban ka sa buong mundo. Sinabing hindi, hindi siya ganito. Mali ang inaakala niyo. Ano ba kayo? Mahal ko yang tinatalo niyo.

Inayos ko ang laman ng baul at inilagay sa tamang pwesto ang magulo at salasalabat kong opinyon ukol sayo. Nakakalat sa baul ang mga kirot sa puso na dulot ng unti-unti mong paglisan. Kung saan-saan ko na lang isinalansan ang napakahapding sugat dala nang dahan-dahang panlalamig sa mundong tinawag mong atin. Nakita ko kung paano ka lumipat sa kabilang mundo na di man lamang lumingon sa gulagulanit kong puso.

Sa loob ng baul ay pinulot ko ang mga piraso ng pagmamahal na minsan kong binigay ng buong-buo sa iyo.

Pinagtagpi-tagpi ko ang mga ala-alang dati’y walang ibang dinala kundi poot at napakahapding sugat na ramdan mula buto hanggang bawat piraso ng aking kalamnan.

Isinilid ko sila isa-isa sa baul at tiningnan ang dating nakakaawang ako na pilit nagsusumiksik sa mapanlinlang na ikaw.

Inihanay ko ang bawat malalim na sugat na nakadikit at natuyo na sa gilid ng baul. Nakita ko kung gaano naging makapal na peklat ang napakalalim na punit sa nagdurugong puso. Sinubukan kong pagdugtungin ang nakalipas sa kasalukuyan. Napagtanto ko na ang naging bunga ng mga ito ay kapahingahan.

Kaya naman: Buti na lang.

Yan ang nasambit ko nang matapos kong isalansan ang mga piraso ng nakaraan natin.

I breathe Hope.
I breathe Hope.

Buti na lamang at nanlamig ka na parang yelong unti-unti rin namang natutunaw kapag inihalo sa kahit anong inumin. Unti-unti rin kasing natunaw ang pagkatao ko nung nanlamig ka. Pero dulot nun ay ang pagkatunaw ng napakatigas kong pagmamataas sa Diyos at sa aking sarili na nagsusumigaw ng: “Kaya ko! Kaya kita. Hindi ko kailangan ng tulong.”

Ngunit kailangan ko pala ng tulong mula pa nung umpisa dahil hindi ko kaya. Hindi ko kayang bitbitin ang napakabigat at puno ng tinik mong puso na nagsusumiksik sa maliit at mahinang ako. Kinain ko ang lahat ng hiya at pagmamataas na itinapon ko sa mukha ng sinumang nangmamata sa iyo. Sa huli nabulunan ako.

Marahan kong isinara ang baul gaya nang marahang pagbaba ng tarangkahan sa teatro matapos ang isang makabagbag damdaming pagganap.

Umaasa ako na ang bawat nilalaman ng baul na iyon ay makatutulong sa mga pusong gaya nang mapagmataas na ako.

Hindi ko alam kung paano.

At hindi ko rin alam kung kaya ko bang ilahad ng buong-buo ang nilalaman nito.

Pero kung para sa ikalalaya ng kahit isang pusong nakakulong sa loob ng baul na pinagmamasdan ang gulagulanit niyang pagmamahal sa isang taong, na tao lang din naman, bakit hindi?

Sabay naming bubuksan ang baul ko ng kapalaluan at tatahakin ang liwanag na may dala ng kakaibang kasiyahan.

 

One pill of Sunset of Peace for you, beautiful.
One pill of Sunset of Peace for you, beautiful.

5 thoughts on “Sa Loob Ng Baul

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.